Pages

Ang Bigat sa Puso na Nawala Mahal Ko Namatay Kasi Mister Ko

Nakatanggap ako ng mensahe sa aking Facebook inbox mula sa isa nating sister na ayon sa info ng kanyang account ay mula pa sa Basilan. Isang pangungusap lang ang kanyang mensahe subalit masyado itong tumatak sa aking puso. Kahit ako'y nakadama ng pagkalungkot ng mabasa ko ang kanyang mensahe kung saan namatay raw ang kanyang asawa at siya'y humihingi sa atin ng payo dahil mabigat raw sa puso niya ito at paano niya malalagpasan. Narito ang aking payo sa ating sister na nagliham.
----------
Subhanallah, magsabr po kayo, magpasensiya at tanggapin na ito ay mula kay Allah upang matanggap ninyo ang gantimpala mula sa Allah. Isipin ninyo na ito ay pagsubok mula sa Allah upang tayo ay makapanumbalik sa Kanya. Sabi ng Allah sa Qur-an [Suratul Baqarah:155-157]
((وَلَنَبْلُوَنَّكُمْ بِشَيْءٍ مِنَ الْخَوْفِ وَالْجُوعِ وَنَقْصٍ مِنَ الأَمْوَالِ وَالأَنْفُسِ وَالثَّمَرَاتِ وَبَشِّرِ الصَّابِرِينَ * الَّذِينَ إِذَا أَصَابَتْهُمْ مُصِيبَةٌ قَالُوا إِنَّا لِلَّهِ وَإِنَّا إِلَيْهِ رَاجِعُونَ * أُولَئِكَ عَلَيْهِمْ صَلَوَاتٌ مِنْ رَبِّهِمْ وَرَحْمَةٌ وَأُولَئِكَ هُمُ الْمُهْتَدُونَ))
"155. At sinusubukan Namin kayo tulad ng pagkatakot sa inyong mga kalaban, kagutuman o kakulangan sa yaman, pagkasawi ng mga mahal sa buhay, at kakulangan sa inaaning mga bungang-kahoy. Subali’t ibigay mo sa kanila, O Muhammad, ang magandang balita sa mga nagtataglay ng katangiang pagtitiis, na nakakayanan nila ang mga nabanggit at iba pang mga pagsubok. Ibigay mo sa kanila ang balitang magpapagalak sa kanila hinggil sa kanilang magandang kahihinatnan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.
156. Kabilang sa mga katangian ng mga yaong matiisin, ay kapag dumating sa kanila ang mga bagay na hindi nila nagugustuhan, sinasabi nila: “Kami ay mga aliping pagmamay-ari ng Allâh, Siya ang Namamahala sa lahat ng bagay para sa amin, ginagawa Niya ang anumang Kanyang nais, at katiyakang babalik kami sa Kanya.
157. Sila ang mga matiisin, na ang para sa kanila ay papuri at dakilang awa mula sa Kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha. At sila ang mga ginabayan tungo sa Patnubay."

Sinabi ni Propeta Muhammad sallallahu alayhi wa sallam na sinabi ng Allah sa Hadith Qudsi:
(مَا لِعَبْدِي الْمُؤْمِنِ عِنْدِي جَزَاءٌ إِذَا قَبَضْتُ صَفِيَّهُ مِنْ أَهْلِ الدُّنْيَا، ثُمَّ احْتَسَبَهُ إِلاَّ الْجَنَّة) حديث صحيح
"Walang gantimpala ang aking alipin kapag kinuha Ko ang kanyang minamahal dito sa mundo, at siya'y nagtimpi maliban lamang sa Paraiso." [Hadith Sahih]

Isipin natin na lahat tayo ay dadaan sa kamatayan. At si Allah ang Siyang nagbigay sa atin ng buhay at Siya rin ang kukuha nito sa takda nitong panahon.

Isipin din natin na may mga taong katulad natin na sinubukan din ni Allah at hindi lang tayo ang may problema bagkus meron pang higit na malala ang problema nila sa atin. Katulad na lamang ng mga napinsala sa nagdaang bagyong Sendong na hindi lamang daan-daan ang nawalan ng mga pamilya't mga tirahan.

Isipin natin ang marami pang biyaya sa atin ni Allah, at hindi natin ito mabibilang kailanman, katunad ng ating kalusugan, mga anak, pamilya at iba pa na nariyan. Higit sa lahat ay ang biyaya sa atin ni Allah na tayo ay Kanyang ginabayan sa Islam. Isipin natin ang mga magaganda.

At huwag tayong makakalimot sa Allah. Sambahin natin Siya at wag nating kalilimutan ang mga ipinag-uutos Niya lalo't ang pagdarasal ng limang beses sa isang araw, ang pagbabasa ng Quran, ang paggunita sa Kanya dahil katotohanang ang paggunita sa Allah ay nakapagdadalal ng katiwasayan ng puso.

Naalala ko rin noong namatay ang tatay ko, at pagkatapos naman ay nanay ko. Alhamdulillah at marami akong kapamilya't mga kaibigan na nariyan na nagpapagaan ng aking loob at higit sa lahat ang Allah na Siyang nagbibigay sa ating lahat ng lakas ng loob.

Humiling din po kayo kay Allah na palitan Niya sa inyo ng mabuti ang inyong pagsubok. Isa ito sa mga sunnah ng ating Propeta. Narito po ung dua:
اللهم أجرني في مصيبتي واخلف لي خيرا منها
Allahumma' jurni fi musibati wa akhlif li khayram minha.
"O Allah gantimpalaan Mo po ako sa pagsubok ko at sundan Mo ito ng higit na mabuti rito."

Basahin niyo rin po ang dua na ito:


Maaari pa rin naman kayong mapangasawa pero ang biyuda na babaeng namatay ang mister ay kailangang maghintay ng 4 na buwan at 10 araw pagkatapos mamatay ng kanyang mister ayon sa batas ng Islam . Yun ay kung nais lang po ninyo. Maraming salamat po. Sana'y nakapagbigay pakinabang sa inyo ang aking mga tinuran.

Nawa'y gabayan po kayo ni Allah at tulungan sa inyong suliranin at patatagin ang inyong loob. Amin.
----------
Aral: Magtimpi, magpasensiya at magtiis sa lahat ng pagsubok na dumadaan gaano man ito kabigat at huwag na huwag makakalimot sa Allah dahil Siya ang ating totoong lakas.
----------
Kung kayo ay online sa Facebook ay maaari ninyong mabasa dito ang payo at comments ng ilan sa ating mga kapatid sa Islam.

No comments:

Post a Comment